top of page

___________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________

 

05 ENERO 2014                                           LINGGO NG KAPAHAYAGAN                                                     TAON A

___________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________

 

 

Kapahayagan ng Paglaya

Bayan...Bayani...Bayanihan

 

Ikaw Bethlehem sa lupain ng Juda, hindi ikaw ang pinakamaliit sa mga Tagapamahala ng Juda sapagkat mula sa iyo ay lalabas ang isang pinunong siyang mamumuno sa aking bayang Israel. (Matthew 2:6)

 

Ang May-Akda ng Kasaysayan ang humihirang ng kalulugdang bayan... kalulugdang bayani...at kalulugdang uri ng pamamahala at paglilingkod.

 

[Review : Mga Aralin Pang Adviento]

 

i

Ang May-Akda ng Kasaysayan ang humihirang ng kalulugdang bayan...

 

But you, Bethlehem, David’s country, the runt of the litter—From you will come the leader who will shepherd-rule Israel... And the people will have a good and safe home, for the whole worldwill hold him in respect — Peacemaker of the world! Micah 5:2-4

 

O little town of Bethlehem, how still we see thee lie! Above thy deep and dreamless sleep the silent stars go by. Yet in thy dark streets shineth the everlasting Light; The hopes and fears of all the years are met in thee tonight.

 

ii

Ang May-Akda ng Kasaysayan ang humihirang ng kalulugdang bayani...

 

Ito ang pinakamamahal kong Anak na labis kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya. Mateo 17:5

 

iii

Ang May-Akda ng Kasaysayan ang humihirang ng kalulugdang uri ng pamamahala at paglilingkod...

 

Sa pamamagitan nito ay malalaman ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad.

Ito ay kung may pag-ibig kayo sa isa't isa. - Juan 13:35

 

Ang ating karanasan ng paglaya mula sa pamamahala ng isang iglesiang banyaga ang nasa likuran ng refleksyon ito. Sa maraming aspeto, magkakatulad ang lahat ng kasaysayan ng paglaya, tampok dito ang dominasyon kundi man tuwirang pagmamalupit ng kapwa laban sa kapwa : malakas vs mahina, mayaman vs mahirap, marunong vs mangmang, namamahala vs pinamamahalaan, lider simbahan vs nanambahang mananampalataya, atbp.

 

Sa kasaysayan ng mga bansa, kolonialisasyon ang tawag sa dominasyon ng malakas na bansa laban sa mahinang bansa. Ang kasaysayan ng mga iglesia ay kaugnay, kundiman tuwirang sangkap ng kasaysayan ng mga bansa. Ang daan ng kolnialisasyon ang tinahak na daan ng iglesia sa Pilipinas, ang Iglesia Romana Catolica na dinala sa ating bansa ng kolonistang bansa ng Espana, at ang Iglesia Metodista na dinala sa ating bansa ng kolonistang bansa ng Estados Unidos ng America.

 

Ang May-Akda ng Kasaysayan ay ang Dakilang Diyos na ating Manglilikha at hindi kasama sa layunin Niya sa paglikha ang dominasyon ninuman laban kaninuman. Ipinagkaloob Niya ang kapamahalaan ng taong nilikha sa ibang uri na Kanyang nilikha, mga isda sa tubigan, mga ibon sa papawirin, mga hayop na lumalakad o gumagapang sa ibabaw ng lupa (Genesis 1:28) Cf (Psalm 8:6-9) at tinawag itong dominyon o kapamahalaan at hindi dominasyon.

 

Saan man at kailan man may pagsalangsang sa layunin ito ng Kanyang paglikha, asahan ang Kanyang pagkilos, ang Kanyang pagtutumpak sa kalagayan at pagbibigay katarungan sa mga ina-abuso, ina-alipin at pinagsasamantalahan. Hihirangin Niyang Kanyang sariling Bayan ang bayan ina-abuso, ina-alipin at pinagsasamantalahan.

 

Hihirang Siya ng Bayaning magpapalaya sa Kanyang Bayan. At magtatakda Siya ng Pamantayan ng bagong relasyon, bagong paglilingkod at bagong Kapamahalaan.

 

I

Ang May-Akda ng Kasaysayan ang humihirang ng kalulugdang bayan

 

Bumangon ka, at magliwanag na tulad ng araw. Liliwanagan ka ng kaluwlhatian ni Yahweh. Mababalot ng kadiliman ang buong daigdig at ng makapal na kadiliman ang mga bansa ; ngunit ikaw ay liliwanagan ni Yahweh at mapupuspos ka ng kanyang kaluwalhatian. (Isaias 60:1-2)

 

Ang nagsibalik na bayan ng Diyos mula sa pagkabihag ng Babilonia ay tila nakalimot na sa kanilang misyon para kay Yahweh, ang maging liwanag para sa mga bansa (Light to the nations). Sa ating araling talata muling ipina-a-alala ng profeta ang kanilang misyon na kakambal ng pagkahirang sa kanila bilang bayan ng Diyos. Tiniyak ng profeta na hindi sila nakakalimutan ng Diyos at ang kanilang misyon bilang liwanag sa mga bansa ay hindi nagbabago. Ang pagkakapalaya sa kanila ang hudyat ng bagong araw para sa hinirang na bayan ng Diyos.

 

Sa pamamahala ng iglesiang banyaga, ang mga mananampalatayang tinagurian mga Metodista sa Pilipinas ay di nakakaganap ng kanilang misyon na maging liwanag sa bahaging ito ng sanlibutan. Sa kanilang paglaya, suma-kanila nawa ang pagtatagumpay sa kaluwalhatian ng Diyos!

 

Pinili ng Diyos na panigan ang Israel vs pananakop ng Palestina (1 Samuel 17) . . . Pinanigan ng Diyos ang mga Israelita vs pang-a-alipin at pagmamalabis ng mga Egipcio (Exodo 14) . . . Pinanigan ng Diyos ang mga nanambahan vs pandaraya ng mga lider ng simbahan (Luke 11 : 37-54). . . Idagdag natin - Pinanigan ng Diyos ang nag-a-adhika ng autonomiya vs mga lider na tutol autonomiya (dahil sa sariling pakinabang). 

 

II

Ang May-Akda ng Kasaysayan ang humihirang ng kalulugdang bayani

 

Dahil dito, akong si Pablo ay bilanggo ni Cristo Jesus para sa inyo . . . Ako na higit na mababa kaysa sa pinakamababa sa lahat ng mga banal ay pinagkalooban ng biyayang ito upang ipangaral ko sa lahat ang ebanghelyo, ang hindi malirip na kayamanan ni Cristo. . . Ang layunin niya ay upang ipaalam, sa pamamagitan ng iglesiya, ang malawak na karunungan ng Diyos sa mga pamunuan at mga kapamahalaan sa kalangitan Efeso 3: 1, 8-12)

 

Ang paghirang ng Diyos ay may kalakip na biyaya at kapangyarihan magampanan ang misyon kakambal ng pagkahirang. . . Ang kinalugdan at hinirang na Bayaning Tagapagpalaya...si David, ang nagtanggol sa mga Israelita at gumapi kay Goliath, ang bayani ng mga Pilisteo; si Moises, ang nagpalaya sa mga Israelita laban sa pang-a-alipin ni Faraon, hari ng mga Egipcio; si Jesus, ang nangaral at nagpalaya sa mga mananampalataya laban sa likong pangangaral ng mga lider ng sinagoga/templo, ang mga saserdote, escriba, fariseo at saduseo. . . Idagdag natin - ang nag-a-adhika ng automiyang Metodista sa Pilipinas. . . Sila ang daranas ng mga pag-u-usig para kay Cristo at sa kanyang ebanghelyo ngayon sa ating sariling panahon ngunit kahati rin Niya sa Kanyang kaluwalhatian sa itinakdang panahon.

 

III

Ang May-Akda ng Kasaysayan ang humihirang ng kalulugdang uri ng pamamahala at paglilingkod

 

Ikaw Bethlehem sa lupain ng Juda, hindi ikaw ang pinakamaliit sa mga Tagapamahala ng Juda sapagkat mula sa iyo ay lalabas ang isang pinunong siyang mamumuno sa aking bayang Israel. (Matthew 2:6)

 

Makalipas ang yugto ng pagpapalaya, ang pagtatakda ng bagong uri ng relasyaon, pamamahala at paglilingkod na magiging pundasyon ng bagong kaayusan ang ipinahihiwatig ng ikatlong aralin.

 

Makalipas ang unos . . .ang makapaminsalang bagyong Yolanda. . .nasaksihan ng buong daigdig ang uri ng bayanihan ng mga Filipino, mga kaibigan banyaga at nagkakaisang mga bansa (United Nations) sa sama-samang pagtulong tungo sa muling pagbangon. . . Ngunit nasaksihan din ang walang habas na pangungulimbat sa mga malls, tindahan, trak/sasakyang may kargang relief goods sa ngalan daw ng kakapusan. . .

 

Makalipas ang unos . . . ng Pork Barrel o maling paggamit ng salapi ng bayan . . . nasaksihan ng buong bansa ang bayanihan ng mga Filipino at ilan mga kaibigan banyaga sa pagkondena at sama-samang protesta tungo sa pagbaklas ng nalantad na kamalian . . . Ngunit nasaksihan din ang hindi pagkakasundo ng mga lider ng bansa hinggil sa pamamaraan ng pagtutumpak ng kamalian, lalo pa ang pagpapakumbaba ng mga nasasangkot . ..

 

Makalipas ang unos ... ng maling pakikialam ng UMC Council of Bishops sa domestic o lokal na usapin ng Iglesia Metodista sa Pilipinas . . . nasaksihan ng buong iglesia sa Pilipinas at sa buong Methodist connection ang bayanihan ng mga namulat hinggil sa kolonial na pamamahala ng Iglesia Metodista (UMC USA) at ang pag-a-aklas at pakikibaka tungo sa paglaya. . . Ngunit nasaksihan din ang pagmamatigas- puso ng UMC Council of Bishops at mga Obispong Filipino na minsan din isinulong ang autonomiya ng Iglesia Metodista sa Pilipinas ngunit tinalikdan ang adhikain ito nang maluklok nang Obispo . . .

 

Di kaagad mauunawaan ang tunay na anyo ng relasyon, paglilingkod, at pamamahala makalipas ang unos . . . at sa mga unang yugto ng paglaya ngunit namamanaag na ang anino nito - Kapahayagan ng Paglaya (Epiphany of Liberation) na sama-sama nating bibigyan kahulugan kalakip ng bagong pakikipagtipan sa May-Akda ng Kasaysayan.

 

SUSUNOD : Kapahayagan ng Katuwiran

____________________________________________________________________________

 

As we journey on through the valley...with Christ, let us bring the books we read, the songs we sing, the reflections we write,

the pictures we keep and the people we love.

 

bottom of page