top of page

AUTONOMIA: ITO NA!

Pastor George O. Buenaventura

Enero 22, 2013

 

Marami pa ring nagsasabi na ang pagkakatatag ng Ang Iglesia Metodista sa Pilipinas (AIMPilipinas) ay hindi Autonomiya ng Metodista. Ito raw ay naganap lang dahil sa galit, self-interest ng mga nagsusulong nito, at pagtatanggol sa immoral na obispo. At ito raw ay pagwasak sa UMC (The United Methodist Church).

 

Matagal ko itong inisip at binalak gumawa ng aking pinaikling pananaw rito; hanggang nagkaroon na nga ng pagkakataon --- Ngayong ako’y nagkukulong dito sa Cabin ng Capitol Methodist Church, Gugo, Samal, Bataan ngayong ika-19 ng Enero, 2013.

 

Una, hindi ito unang pangyayari sa 115 taon ng Metodismo sa Pilipinas. Sa Pilipinas ay may dalawang (2) AFFILIATED AUTONOMOUS METHODIST CHURCHES ang Kumperensiya Heneral ng UMC sa Amerika; Ang IEMELIF (Iglesia Evangelica Metodista en las Islas Flipinas at ang UCCP (United Churches of Christ in the Philippines). Ang IEMELIF ay itinatag ng mga Pilipinong Metodista noong 1909 sa pangunguna ng kauna-unahang naordinahang Pastor Metodista na si Nicolas Zamora. Hindi sila humingi sa Kumperensiya Heneral ng Methodist Episcopal Church sa America ng pahintulot na magsarili. Sa Katunayan ay labag ito sa kalooban ng mga Metodistang Americano. Pinagwikaan ng maraming mapanirang salita si Pastor Zamora at mga kasamahan nila. Subalit namulat sila na hindi mainam na maging Kristiyanong Pilipino na pinamamahalaan ng mga dayuhang mananakop. Bunsod na rin ito sa naranasan nilang di pantay at di makatarungang pagturing ng mga Misyonerong Americano sa mga Pastor na Pilipino; sa suweldo, benepisyo, trabaho at iba pa; kahit na mga Pilipino naman ang higit na epektibo sa misyon at pamamahala sa iglesia.

 

Umusbong at lumago ang binhing ipinunla sa sariling lupa. Nagpatuloy ang IEMELIF sa paglilingkod sa Dios at bayan sa biyaya at patnubay ng Dios. Nagkaroon na sila ng sariling Aklat Kaayusan at Kumperensiya Heneral. Marami na silang itinalaga at ipinadalang mga Misyonero at Pastor sa buong bansa at ibang bansa. Kaanib na sila ng National Council of Churches in the Philippines (NCCP), Asian Methodist Council, World Council of Churches, World Methodist Congress at Affiliated Autonomous Methodist Church ng UMC.

 

Pangalawa, ang UCCP ay Affiliated Autonomous Methodist Church ng General Conference ng UMC USA, dahil ang dalawang (2) Iglesiang kasama rito noong naitatag ito noong 1948 ay ang Evangelical United Brethren (EUB) na nakipag-isa sa The Methodist Church sa America noong 1968 (lamang) upang buuin ang The United Methodist Church, at ang Philippine Methodist Church (PMC) na nabuo naman noong kumperensiya sa San Nicolas, Pangasinan noong Kumperensiya ng The Methodist Church (TMC) noong 1933.

 

          Ang EUB sa Pilipinas ay sumanib na sa UCCP (1948) bago sumanib ang EUB sa TMC sa America noong 1968. Ang PMC naman ay naitatag pagkatapos na mag-aklas (walk-out) ang karamihan ng delegado ng Kumperensiya Anwal sa Pangasinan; bunsod ng pakikialam/pagbaliktad ng Kumperensiya Heneral sa America sa pasya ng Kumperensiya Anwal sa Pilipinas. Hindi sila humingi ng boto/pahintulot ng General Conference USA. Maraming kongregasyon ng UCCP ay mula sa tradisyong EUB at PMC; na kinilalang kapatid na Metodistang Simbahan ng UMC. Marami pang nagsasariling Iglesia Metodista sa buong Pilipinas.

 

Ang karanasang AIMP (Ang Iglesia Metodista sa Pilipinas) ay may napakalapit na hawig sa mga unang kapatid na Simbahang Metodista. Sa totoo lang, wala pang Autonomoous Methodist Church sa Pilipinas na dumaan sa prosesong itinatadhana ng Aklat ng Disiplina ng UMC USA.

 

Kinakailangan nga bang magpaalam ang nagnanais  lumaya at hintayin ang pahintulot ng inang Iglesia? Magsasarili rin ang mag-asawa may pahintulot man o wala ng kanilang nga magulang. Mabuti lang malaman ng magulang (ipa-alam), subalit di sila humihingi ng pahintulot. Wala sa kapangyarihan o karapatan ng magulang ang pagpigil sa pagnanasang kasarinlan ng anak. Higit pa ngang malaki ang respeto at kasunod na tulong ng magulang sa anak na nagnanais nito.

 

Ang kasalukuyang pangyayari ay matapat na pagsunod sa kasaysayan ng Kilusang Metodismo sa Pilipinas at sa Banal na Kasulatan na kung saan ang mga Hebreo ay naglakbay  patungong kalayaan ng labag sa kalooban ng Paraon. “… Bakit natin pinayagang umalis ang mga Israelita? Di wala ng maglilingkod sa atin (alipin)!” (Exodo 14:5b). At ang mga alagad ay nagpahayag ng pagtapat sa Dios lamang at hindi sa tao o sa imperador (Gawa 5:29). Ang Iglesia Kristiyana ay naitatag sa pagtutol, paghadlang at pag-uusig ng mga pinunong Hudyo at Emperyong Romano.

 

Sa kasalukuyang kaganapan, di maitatago ang galit ng mga tao na hanggang ngayon ay palaisipan sa akin kung anong dahilan. Habang sinusulat ko nga ito ay nakapaligid sa akin ang mga bantay na may aso, pamalo at alambre; pinutulan na ako ng kuryente at tubig at mahigpit na ipinagbabawal ang pagdala sa akin ng makakain. Kung alam mong ika’y tama at nasa katwiran ay dapat bang magalit? At kung ika’y tunay na nasa liwanag ng salita at turo ng Panginoon, nararapat bang bumukal sa iyong isip at puso at mamutawi sa iyong mga labi ang nakakasira sa kapwa at lalo na sa iyong sarili? Naalala ko tuloy ang mahabang bahagi ng kasaysayan ng Iglesia Kristiyana na nabahiran ng dugo ng mga inosenteng mahihina, na tinaguriang di-tapat (infidel), makasalanan at walang Dios; gawa ng mga nagsasabing Kristiyano at ginagawa raw nila iyon bunsod ng kanilang pananampalataya at pag-angkin ng katotohanan at katwiran. Di ba’t ang nakatatak sa breastplate ng mga Alemang Nazi ay “Gott mit uns” (God with us) habang walang habas na itinatarak at iwinawasiwas ang kanilang mga tabak? At ang mga dayuhang mananakop noon at ngayon nama’y walang awang pumapatay ng mga katutubo, sa paniwalang sila’y sugo ng Dios upang dalhin ang mabuting Balita?

 

Sa aking obserbasyon, masakit mang sabihin pero may mga kapatid na gumagamit ng dahas sa halip na payapang pag-uusap; Salitang di-akma sa pananampalataya at kapwa, sa halip na pag-ibig at pagkakasundo. Sunod-sunod at patung-patong na ang demanda sa korte. Kung nakamamatay ang salita; marami na silang napapatay!

 

Sa bawat aking pagsasalita sa mga simbahan, binibigyang diin ko ang pag-ibig, katarungan at kapayapaan. Iyan ang buod ng pananampalataya. Huwag tayong mag-isip, magpasya at kumilos bunsod ng galit at poot. Ito’y mapanira ng tuwid na pagkatao, ng kapwa, ng lipunan at ng buong sangnilikha. Di nga lamang pala galit ang nangingibabaw, sapagkat ito’y sintomas lamang ng higit na malalim na suliranin ng tao: ang pagtatanggol ng sariling interes, lalo na ng mga material na kayamanan. Natabunan sa ilalim ng pansariling pakinabang ang interes at malasakit sa kapwa, sa kaligtasan ng mga kaluluwa at pagpapanibago ng sangnilikha. Wala akong hawak na estatistika, subalit natitiyak kong higit na marami ang tinanggap na demanda ng mga AIMP mula sa UMC, at ang ugat ng mga demandang ito ay sa ari-arian: lote, gusali at iba pang kagamitan. Kahit umalis lahat ng kaanib, makuha lang ang lote at mga gusali.

 

Minsa’y nagkausap kami ng isang retiradong obispo ng UMC. Aking ipinanukala na halimbawang magharapharap ang mga obispong Pilipino (aktibo at retirado) at magkasundong tanggapin na ito na ang tunay na pagsasarili; at samahan nila at pangunahan ang lahat ng simbahang UMC tungo dito. (Nasabi ko ito dahil alam nating lahat ng obispo (retirado at aktibo) ay nangampanya na sila’y pabor sa autonomiya. Kaya naman sila ay inihalal. At 19 na sa 21 Kumperensiya Annual ng UMC sa buong Pilipinas ang bumoto na sa kanilang pagsasarili bago Kumperensiya Sentral 2008. “Sa palagay ko kung ganito ang gagawin ng mga obispo ay sasama ang buong simbahan, makakapagsarili tayo at maiiwasan ang ganitong kaguluhan”, sabi ko. Ngumiti lang siya at napailing, sabay sabi, “Hindi maaari dahil sa self-interest.” Napakalaki nga ($4,500+ bawat buwan) ang suweldo ng obispo at maging pension ng mga retirado ay sa US dolyar din, maliban pa sa maraming benepisyo at biyaheng libre sa Amerika at ibang bansa. At may iilang mga kababayan din tayong nakikinabang sa ganitong koneksiyon; dahil may mga kaanib ng Lupong Heneral na dumadalo sa pagpupulong sa America ng libre dalawang beses bawat taon at mga delegado sa Kumperensiya Heneral minsan sa apat na taon ng libre rin at mayroon pang mga nakakabit na benipisyo. Subalit ito’y di nakakatulong ng malaki sa kabuuan at misyon ng Iglesia sa Pilipinas; kundi bagkos nakakadagdag sa pagkakawatakwatak nito at pagluwang ng pagitan ng nag-aral sa di-nag-aral, mayaman sa mahirap, makapangyarihan sa higit na nakararaming mahihina.

 

Sa kasalukuyang karanasan ng AIMP, hindi na dolyar at di na America ang nagpapasuweldo sa kanyang Obispo. Kapantay ang suweldo niya sa mga kamanggagawa. Walang delegado o kaanib na magkakainteres ng biyaheng America ng libre.

 

Kaninong interes ang ating isusulong sa pagiging bahagi ng katawan ni Kristo? Ating katawan o ang ikaliligtas ng marami at ikabubuti ng lipunan? Masakit ding sabihin, naunahan na tayo sa misyon, dami ng kaanib, simbahan at impact sa lipunan ng mga kapatid na Iglesia na higit na bata sa atin.  Sila’y ipinunla at tumubo sa Pilipinas; dinilig, inaruga at pinamunuan ng mga Pilipino. Ang pagsasarili ay panibago at sariwang hakbang sa pagpapanumbalik ng Iglesia kay Kristo bilang kanyang Panginoon at pagsusulong ng interes Niya lamang. May malakas akong hinala na ang sunud-sunod na demenda sa mga Pastor at Layko ng AIMP at panggigipit kay Obispo Tangonan (walang patid na suspension ng isang taon singkad) ay bunsod ng interes na di akma sa interes ni Kristo.

 

Mga kapatid, ako’y namamanhik na huwag tayo agad lumundag sa malalim na bangin ng paghatol sa kapwa at kamanggagawa. Tumimo sa aking isip ang nabasa ko: “Christians are not perfect, they were just forgiven”. Ang binuong Committee on Episcopacy ng Kumperensiya Sentral ng UMC ay nagsasabing may ginawang paglabag ang mga obispo sa kanilang ginawang sunud-sunod/patung-patong na suspension kay Obispo Lito Tangonan. Sila na dapat tiyaking masunod ang aklat kaayusan ay silang lumabag dito. Sa termino ng isang retiradong UMC Bishop, ang nangyayari ay “Tyranny of the majority”. At sa ulat naman ng binuong Committee on Investigation (na gumastos ng higit iP300,000 ang Kumperensiya Sentral upang mabuo lamang) ay ‘walang sapat na dahilan upang magpatuloy sa paglilitis kay Obispo Lito Tangonan’. Sa halip na doon na titigil ang usapin ay gumawa naman ng boto ang mga obispo upang sirain ang kredebilidad ng COI (Committee on Investigation) - vote of no confidence. Gayunpaman, sa pakikialam ng Dios, di nanaig ang gusto ng mga obispo; sapagkat sinuportahan ng Coordinating Council ang COI at tinanggap ang kanilang ulat. Kaya lamang, nagmatigas ang mga obispo at muling tumungo sa Amerika. Iniakyat ang reklamo sa Council of Bishops ng UMC USA na lagi nilang ginagawa. At ang boses ng Americano ang dinirinig at nasusunod! Di alintana ang kasiraang dulot nito sa iglesia at sa kapwa. Alam ko lahat ito sapagkat ako’y naroon, kasama ng mga Layko at Pastor na delegado ng Coordinating Council. May mga reklamo rin laban sa COB (College of Bishops – Pilipinas); Subalit di iyon binibigyang pansin (paano nga ay sila din naman kasi ang tumanggap ng reklamo), samantalang ang sunod-sunod na reklamo kay Obispo Lito Tangonan ay pinatulan; kahit na may nagreklamong Pastor na idinikit lamang ang kaniyang pirma sa reklamo na akala nila’y para iyon suportahan si Obispo Tangonan at ang kanyang mga isinusulong na pagbabago at imbestigasyon sa mga di maipaliwanag na milyong piso  anomalya na kinasasangkutan ng ilang mga obispo (aktibo at retirado) sa WU – P at PCU–UTS. Isa nga rito ay ang demanda ni Obispo Emerito P. Nacpil sa pangulo ng PCU-UTS kasama sina Obispo Leo Soriano at Daniel C. Arichea, na naging dahilan upang pamahalaan ng korte (Recievership at Management Committee) ang PCU-UTS anim na taon na ang nakalilipas, hanggang ngayon. Nasaan ang immoralidad sa panig ni Obispo Tangonan? Hindi niya ako tagapagtanggol, nasa panig ako ng katuwiran, katarungan, pagsunod sa batas at dignidad ng katawan ng Panginoong Hesu-Kristo. Kung talagang may matibay silang batayan sa kanilang akusasyon, at ipagpalagay nang panig kay Obispo Tangonan ang COE, COI at CoCo, bakit di sila dumulog sa hukuman at sampahan ng kasong immoralidad si Obispo Tangonan? Huwag nilang sabihing di iyan angkop sa turo ni Kristo dahil sila rin ay may isinampa at tinanggap nang mga demanda. Idagdag pa ang mga napakarami nang demandang isinampa nila sa mga hukuman ukol sa ari-arian. Alin ang di angkop? Ang pagbibingibingihan sa boses ng mga lupon at institusyong itinatag ng simbahan? Malungkot mang sabihin na sa ganitong karanasan, parang may katawang pugot (hiwalay ang ulo). Kung sabagay, ang mga nahalal na obispong Pilipino ay di na kaanib ng anumang simbahan o kumperensiya sa Pilipinas, kundi sila’y kaanib na ng Council Of Bishops UMC USA, na siya ring nagpapasuweldo at nagbibigay ng mga pensiyon nila. Ang nangunguna sa mga kumperensiya, nagsusugo ng mga manggagawa sa Iglesia at dakong misyon, at tanging pinapasuweldo ng America ay di-kaanib, di bahagi ng kanyang pinamumunuan. Hindi rin ito sang-ayon sa ginawa ng Pangnoong Hesus na “nagkatawang tao, naging isa sa atin, at nakipamuhay sa atin” (Juan 1:1-14). Ito rin ay isang ma-anomalya (at immoral) na ugnayan. Ngayon pang nauso na ang pangulo ng institusyon ay kinakailangang kaanib ng BOT. Sa kooperatiba ang bawat kawani ay kaanib ng kooperatiba.

 

At sa kahulihulihan, nananatili ang aking pamanhik sa lahat na maging mapanuri, magbukas ng isip, damdamin at pandinig sa Dios, at maging buo ang paninindigan at pagtitiwala sa Dios. Hanggang ngayon, buo ang aking paniniwala na ang pagsasarili lamang ang tanging daan upang maging tapat na Tao, Metodista, at Kristiyano. Huwag nating alisin ito sa ating kamalayan, adhikain at tungkulin. Ang pagsasarili ay hindi pagwasak ng simbahan. Sinisira ba ng anak ang pamilya noong siya’y magpaalam sa magulang upang magsarili? Magagalit ba o malulungkot ang magulang sa pasyang ito ng anak? Ipagkakait ba sa kanya ang karapatan at pribilehiyo ng pagiging anak at malaya? Hindi! Ikinagagalak ng bawat magulang at hinahangaan ang bawat anak na gumagawa nito. At sa paghanga at kagalakan ng magulang ay ipinagkakaloob sa anak ang tiwala at manang ari-arian, kasama ng iba pang kaloob sa bagong pamilya. Higit ding umuunlad at nakakatulong maging sa magulang ang mga anak na nagsasarili!

 

Hindi nawawasak ang Iglesia sa pagsasarili; kundi binibigyan ang Iglesia ng kalayaan sa pamamahala, misyon at suporta sa sarili. Ang Iglesia ay kalipunan ng mga tao na nagtitipon upang manalangin, mag-aral at mangaral ng salita ng Dios, gumanap ng mga sakramento at magbahaginan ng mga kakayahan at kayamanan upang magmalasakit sa kapatiran at sambayanan. Iglesia lokal ang tinutukoy ko, at siya lamang ang may kakayanan, panahon at kayamanan na gawin ito araw-araw. Siya rin kung ganoon ang karapatdapat na humayo sa pamamahala para sa kanyang misyon. Kung ang buong katawang ito’y nagpasyang magsarili, anong Iglesia ang kanyang winawasak? Baka naman ang kaisipang ito ng pagwasak ay mula sa perspektibo ng nasa itaas sa liderato ng mga kumperensiya, na kailangan niyang gawin ang lahat mapanatili lamang ang kontrol niya sa mga nasa ilalim niya at malaking benepisyo para sa sarili. Ibalik natin ang ating katutubong konsepto sa Iglesia, na katawang pinalaya ni Kristo mula sa paghahari-harian ng tao. Sa aking palagay at patuloy na dalangin, marami pang kapatiran ang magpapasya at manininindigan para sa kasarinlan/kalayaan. Ito ang tunay na diwa at hakbang sa autonomia. Maaari itong harangan at pansamantalang mapigilan. Subalit, magpapatuloy ang paglalakbay patungong paglaya!

 

Para sa mga nagpasimula nang maglakbay, magkaroon tayo ng matatag na paniniwala, SASAMAHAN TAYO NG DIOS!

 

At sa mga nag-iisip pa kung papaano,

 

MAGTIWALA KAYO SA PANGUNGUNA AT SUPORTA NG DIOS NA MAPAGPALAYA.

Wala kayong ibang pagpipilian.

Magkitakita tayo sa kabilang pampang!

 

Autonomiya, ito na!  Sa kasarinlan, Tayo na!

Sa gabay at pangunguna ng Dios, magtiwala ka!

Sa DIOS ang papuri!

 

 

 

 

 

George O. Buenaventura

President

John Wesley Theological Seminary

© 2015 by Kabuhayang Kabisig Proudly created with Wix.com

bottom of page